Hindi pa lusot sa committee level ng Senado ang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ₱229.7 billion sa susunod na taon.
Ito ay dahil sa marami pang katanungan ang gustong ibato ng mga senador sa ahensiya kung saan kabilang na sa matinding kinwestyon ay ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa pagdinig para sa budget ng ahensya, napansin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang tila hindi pagiging bukas ng programa sa mga senador hindi tulad ng Assistance in Crisis Situation (AICS).
Napuna rin kasi ng mambabatas ang listahan ng mga benepisyaryo ng AKAP kung saan nakadepende aniya sa epekto ng inflation gayong lahat naman ay apektado kapag mataas ang presyo ng mga produkto.
Dagdag pa ni Pimentel, kung ang AKAP naman pala ay para pantulong sa mga mahihirap ay bakit hindi na lamang ito idagdag sa pondo ng AICS program.
Paalala naman ni Senator Imee Marcos na hindi natalakay sa Senado ang AKAP program kaya ikinagulat na lamang nila na mayroong pondo para rito matapos ang bicameral conference committee meeting.