Senado, itinanggi ang pagkakaroon ng confidential fund ngayong 2023

Sinagot ng Mataas na Kapulungan ang akusasyon na mayroong P331 million na confidential fund ang Senado ngayong 2023.

Sa inilabas na pahayag ng Senado sa pamamagitan ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., ang kumalat na social media post ay misleading at malisyoso mula sa ilang personalidad na ang gusto ay sirain ang reputasyon ng Senado na siyang bumubusisi ngayon sa mga confidential at intelligence fund o CIF ng ilang mga ahensya ng gobyerno.

Aniya, makikita sa record na sa ilalim ng maintenance and other operating expenses (MOOE), nakalagay dito ang “Confidential, Intelligence, and Extraordinary Expenses” at ito ay mayroong tatlong line items…
– ang confidential funds
-intelligence funds
– at extraordinary and miscellaneous expenses.


Para sa taong 2023, ang “extraordinary and miscellaneous expenses” lang ang may line item na P331,942,000 at walang nakalagay sa confidential o intel funds.

Magkagayunman, sa mga nagdaang liderato ng Senado ay nagkaroon ng alokasyon para sa confidential funds pero ito ay hindi naman nagamit at ibinalik din ng buo sa National Treasury.

Pero sa ilalim ngayon ng liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay walang ganitong pondo kahit pa sa susunod na taon dahil naniniwala siyang hindi ito kailangan ng Senado at ang CIF ay para dapat sa militar, pulis at iba pang uniformed personnel na may kinalaman sa internal at external security threats.

Facebook Comments