Senado, itinutulak ang pakikilahok ng publiko sa pagtalakay at pagpapasa ng isang batas

 

Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang panukala na pinapayagan ang publiko na makilahok sa pag-apruba, pagrepaso at pagbuo ng batas gamit ang information at communication technology platforms.

Inihain ni Estrada ang Senate Bill 2344 o ang Crowdsourcing in Legislative Policymaking Act na layong palawakin ang saklaw ng Kongreso sa pagsaalang-alang ng mga opinyon, mungkahi, rekomendasyon at pagtutol ng mga tao sa isang partikular na panukalang batas.

Nakasaad sa panukala na sa pamamagitan ng “crowdsourcing” ay maaaring lumahok sa legislative process ang taumbayan mula sa una, ikalawa at ikatlong pagbasa ng isang panukala.


Gamit naman ang social media platforms ng Senado at Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) ay maaaring makapagsumite ang isang indibidwal ng kanyang opinyon o komento tungkol sa isinusulong na batas.

Ang online platform ay magsisilbing paraan din para sa kampanya o petisyon na suriin, baguhin o bawiin ang isang batas o lumikha ng isang panukala na maaaring ipasa ng sinumang miyembro ng Kongreso.

Para malaman naman ng publiko ang naging aksyon ng Kongreso mula sa mga opinyon at komento ng mga kababayan ay maglalagay din ang PLLO ng online crowdsourcing feedback report sa kanilang platform.

Facebook Comments