Itinuturing ni Senate subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Senator Sonny Angara na isang ‘positive development’ ang paghahain ng Kamara ng Resolution of Both Houses no. 7 na layon ding amyendahan ang tatlong economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Angara, positibo ang hakbang na ito sa panig ng Kamara lalo’t pareho ito ng layunin sa Resolution of Both Houses no. 6 ng Senado.
Aniya, sa halip na magbangayan at araw-araw na mag-presscon ang mga kongresista laban sa mga senador ay mas mabuting magsagawa na sila ng pagdinig upang mapagusapan ang parehong isinusulong na Charter Change.
Sinabi ni Angara na hindi nakatutulong ang ingay patungkol sa People’s Initiative dahil habang dumarami ang mga anti sa PI ay dumarami rin ang mga tutol sa pag-amyenda sa economic provisions ng saligang batas dahil inaakala ng iba na parehong usapin lamang ito.
Mahalaga aniyang maging malinaw ang isyu at maihiwalay ang naturang dalawang usapin.
Dagdag pa ni Angara, ang kagandahan sa Kamara ay maaari nilang konsultahin ang kanilang mga constituents sa mga distrito upang makuha ang tunay na pulso ng taumbayan sa Cha-Cha.