
Hindi papipigil ang Senado sa pagsusulong at pagpapasa ng Senate Bill 1512 o ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng Independent People’s Commission (IPC) na siyang mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
Pagtitiyak ito ni Senate President Tito Sotto III sa gitna na rin ng kawalan ng interes ng Malakanyang sa IPC sa pangambang maging duplikasyon lamang ito ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.
Sinabi ni Sotto na hindi pa kasi napag-aaralan ng Palasyo ang nabanggit na panukalang batas.
Sa takdang panahon aniya ay maaari nilang talakayin at ipaliwanag sa Malacanang ang hangarin at nilalaman ng Senate Bill 1512 kung saan si Sotto ang pangunahing may akda.
Iginiit ni Sotto na ang panukalang IPC ay mas may ngipin at mas may kapangyarihan kumpara sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ang mandato lamang ay tumulong sa imbestigasyon ng mga maanomalyang flood control projects.
Oras na matapos ang panukalang 2026 national budget ay sunod na tututukan ng Senado ang pagpapasa sa panukalang Independent People’s Coalition.









