Tuloy pa rin ang Senado sa pagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa revised travel guidelines para sa mga Pilipinong babyahe sa labas ng bansa kahit ito ay sinuspindi na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ikakasa pa rin ng Senado ang pagdinig tungkol dito dahil kailangang ipaliwanag ng IACAT kung paano nila nabuo at ano ang ginamit na basehan sa inilatag na bagong travel guidelines lalo’t wala namang batas na susuporta para dito.
Aalamin din kung ano ang mga rason ng IACAT sa pagbuo ng patakaran para sa dagdag na mga dokumentong kailangang ipakita sa Immigration officers bago payagang makalabas ng bansa.
Tatalakayin din sa pagdinig kung ano pa ang ibang solusyon ng gobyerno para tugisin ang illegal recruiters at human-trafficking syndicates at kung paano magkakaroon ng maayos na sistema na hindi makakahadlang sa karapatan ng mga Pilipino na makapaglakbay.
Sinabi pa ni Zubiri na ‘open hearing’ ang idaraos na imbestigasyon kaya umapela siya na kahit lima o hanggang sampu sa mahigit 32,000 na mga na-offload na pasahero ay pumunta sa Senado para mailahad ang kanilang naging karanasan sa Immigration.
Inaasahang sa susunod na linggo idaraos ng Senate Committee on Public Services ni Senator Grace Poe ang pagdinig tungkol sa pahirapang bagong travel guidelines ng IACAT.
Samantala, ikinagalak naman ni Zubiri ang agad na pagtugon ng Department of Justice (DOJ) at IACAT na suspendihin ang naturang travel guidelines kung saan patunay lamang aniya na nakikinig ang pamahalaan sa hinaing ng publiko.