
Nanawagan si Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na papanagutin ang hindi awtorisadong field trip sa Bataan ng Bestlink College of the Philippines na naglagay sa mga estudyante sa kapahamakan.
Sa report, naglakad ng ilang kilometro ang mga estudyante na inabot ng apat na oras para marating nila ang kanilang mga bus na naka-park sa ibang barangay sa Hermosa na nagresulta sa sobrang pagod at pagkagutom kung saan mayroon pang mga hinimatay.
Hinimok ni Gatchalian ang CHED na agad tukuyin ang responsable sa insidente at patawan ng karampatang parusa.
Iminungkahi rin ng senador sa CHED, gayundin sa mga paaralan at higher institutions na silipin ang mga polisiya ng mga off-campus activities upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at hindi malagay sa alanganin.
Ayon kay Gatchalian, muling ipinakita ng insidenteng ito ang panganib na maaaring idulot ng hindi maayos na pagpaplano at kakulangan sa mga panseguridad na hakbang sa mga aktibidad ng paaralan.
Hindi anya katanggap-tanggap na napapahamak ang mga estudyante sa mga off-campus activity kasabay ng paalala na hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang Bestlink College sa trahedya sa field trip.