Senado, kinalampag ang ehekutibo na madaliin na ang paglalabas ng IRR sa tatlong batas na pang-ekonomiya

Kinalampag nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva ang ehekutibo partikular ang National Economic and Development Authority (NEDA) na tapusin at ilabas na ang Implementing Rules and Regulations ng tatlong batas na pang-ekonomiya.

Inihihirit ng mga senador na pairalin muna ang mga bagong batas pang-ekonomiya bago ang isinusulong na Cha-Cha.

Ang mga batas na tinutukoy ay ang Public Services Act, inamyendahang Retail Trade Liberalization Law at ang Foreign Investment Act.


Para sa mga senador, sasapat na ang mga batas na ito para mas mabuksan ang bansa sa mga dayuhang mamumuhunan sa halip na ipilit na amyendahan ang economic provisions ng konstitusyon.

Kinukwestyon ni Zubiri kung bakit mistulang idini-delay ang paglalabas ng IRR ng mga batas at kung may dahilan ba sa likod ng pagkakabinbin ng implementasyon ng batas.

Nauna na ring binanggit ni Zubiri ang pagtataka nito sa pagmamadali naman ng Kamara na mapagtibay ang chacha sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon) gayong nauna na aniyang inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi prayoridad ng administrasyon ang panukala.

Pinamamadali naman ni Villanueva ang NEDA sa paglalabas ng IRR sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay mapakinabangan na ang mga pinaghirapan ng pangulo na panghihikayat sa mga foreign investor sa mga nagdaang state visits nito.

Facebook Comments