Kinuwestyon ni Albay Representative Joey Salceda ang patuloy na pagtutol ng Senado na aprubahan ang panukalang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) sa kabila ng pagsertipika bilang urgent dito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tanong ni Salceda sa Mataas na Kapulungan ay kung ilang sakripisyo pa ang dapat na tiisin ng publiko bago pagtibayin ang DDR.
Iginiit ng kongresista na magsilbing “wake up call” na sana sa pamahalaan ang pagkasawi ng 20 katao sa Bicol na biktima ng Bagyong Rolly.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi dapat maging hadlang ang pondo sa pagbuo ng isang makabuluhang ahensya.
Aniya pa, kung ang problema ay pondo, trabaho ng gobyerno na hanapan ng budget ang isang departamento.
Mababatid na sa ilalim ng termino ni dating Speaker Alan Peter Cayetano napagtibay sa Kamara ang DDR ngunit patuloy pa rin itong nakabinbin sa Senado.
Partikular na tutol naman dito sina Senators Panfilo Lacson at Richard Gordon dahil sa kawalan ng pondo at dagdag gastos lamang sa gobyerno ang paglikha ng bagong kagawaran.