Kinalampag ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang Senado na madaliin ang pagpapatibay sa panukala kaugnay sa pagkakaroon ng evacuation centers sa mga barangay bago matapos ang 18th Congress.
Bunsod na rin ito ng pananalasa ng Bagyong Agaton sa maraming lugar sa bansa kung saan umakyat pa sa 167 ang death toll o mga namatay dahil sa bagyo.
Hiling ni Zarate sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na bilisan ang pag-apruba sa panukala upang sa gayon ay may ligtas na lugar na pwedeng manatili ang mga biktima ng kalamidad hanggang sa maka-recover mula sa epekto nito.
Matagal na aniyang ninanais ng mga naninirahan sa disaster-prone areas na mayroon silang secure at safe na lugar para makalikas.
Responsibilidad din aniya ng Kongreso na tugunan ang paulit-ulit na panawagan ng publiko lalo na ng mga kababayang madalas na sinasalanta ng kalamidad ang mga lugar.
Sa oras na maging ganap na batas ay itatayo sa pagitan ng dalawa hanggang tatlong barangay ang evacuation center na disaster-resilient, madaling puntahan ng mga tao, nasa ligtas na lugar, may imbak na pagkain, tubig, gamot, may isolation area, clinic, at iba pang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.