Senado, kinilala ang tagumpay ng kauna-unahang kampeon ng bansa sa 2022 US Open na si Alexandra Eala

Photo Courtesy: Sonny Angara Facebook Page

Pinuri at kinilala sa Senado ang pagkapanalo ni Alexandra Eala sa Junior Girls’ Singles Final ng 2022 US Open Tennis Tournament sa New York, USA.

Sa Senate Resolution 201 na inihain ni Senator Sonny Angara, binanggit dito na nakagawa si Eala ng kasaysayan sa bansa matapos na kauna-unahang manalo sa US Open laban kay Lucie Havlickova ng Czech Republic at kauna-unahan ding Pilipino na nagwagi sa Women’s Tennis Association (WTA).

Sinabi naman ni Senator Jinggoy Estrada, co-sponsor ng Senate Resolution 199, na karapat-dapat lamang ang papuri kay Eala lalo’t siya ang kauna-unahang Pinoy na nakakuha ng grand slam title sa sports na nilalaro ng maraming bansa sa mundo.


Ang pinakahuling panalo ni Eala ay nagbigay ng malaking karangalan at pagkilala sa bansa at ang kanyang tagumpay ay inspirasyon sa mga kabataan na mahilig sa sports.

Dagdag naman ni Senator Christopher ‘Bong’ Go, na ipinakita lamang ni Eala na ang sangkap ng tagumpay ay hard work, perseverance, at passion sa piniling larangan.

Umaasa si Go na mas mahihikayat ang mga kabataan na sumali sa sports at mas mabigyan pa sila ng kumpyansa at tiwala sa gobyerno na mapaghusay pa ang sporting activities sa bansa.

Facebook Comments