Senado, kinwestyon kung nasaan ang kumpletong kahandaan ng PUV Modernization Program

Kinwestyon ni Senate President Chiz Escudero ang pagiging kumpleto at ang kahandaan ng PUV Modernization Program.

Kasunod na rin ito ng ikinasang Unity Walk ng operators at drivers na nag-comply sa PUV Modernization at ngayon naman ay isinantabi ni Pangulong Bongbong Marcos ang resolusyon ng Senado na humihiling na pansamantalang isuspindi muna ang PUV Modernization Program dahil sa maraming isyu at problema sa programa.

Ayon kay Escudero, ang pagsuspindi sa programa ay hindi nangangahulugan na babawiin o mababalewala ang pagsusumikap ng mga naunang nag-comply sa programa kundi ito ay para mabigyan ng sapat na panahon ang mga hindi pa makasunod habang hindi pa nailalatag at naisasaayos ng husto ng gobyerno ang modernization program.


Sinita ni Escudero na hindi pa nga nagagastos ng husto ng pamahalaan ang pondo para sa programa, bukod dito ay hindi rin sapat ang ibibigay na subsidiya ng gobyerno at ang ipinagmamalaki ng DOTr na ipapautang sa operators at drivers, hindi rin kumpleto ang local transport plan ng mga LGUs at hanggang ngayon ay wala pa ring tamang valuation na para sa lumang jeepneys na ide-decommission na ibibigay na pambayad sana sa operators at drivers.

Facebook Comments