Senado, kumpiyansang matatag ang Maharlika fund laban sa anumang pagbusisi ng korte

Tiwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na malalagpasan ng Maharlika Investment Fund (MIF) ang ‘judicial scrutiny’ ng Korte Suprema.

Ito ang pahayag ni Zubiri sakaling may kumukwestyon ng Maharlika fund sa korte.

Ayon kay Zubiri, karamihan ng mga batas na naipapasa ng Kongreso ay nakukwestyon sa Supreme Court.


Batid niya na may mga indibidwal ang maghahain ng petisyon laban sa implementasyon ng MIF pero kumpiyansa ang senador na kaya itong depensahan mula sa gagawing pagsusuri ng korte.

Maging si Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies Chairman Senator Mark Villar ay tiwalang matatag ang MIF laban sa anumang pagkwestyon dito ng korte.

Sa tingin pa ni Villar, ang mga safeguard na inilagay sa Maharlika fund ay matibay at sapat para maprotektahan ang pondo ng taumbayan.

Katunayan aniya, ilang layer ng proteksyon at safeguards ang kanilang inilagay tulad ng internal-external auditors, advisory council, board of directors, oversight ng Kongreso at ang mismong pondo ay dadaan sa pagbusisi ng Commission on Audit (COA).

Facebook Comments