Senado, maaaring mag-isyu anumang oras ng arrest order laban kay Pastor Apollo Quiboloy

Kumpyansa si Senator Risa Hontiveros na anumang oras ay maaaring mag-isyu ng arrest order ang Senado laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

Para kay Hontiveros, hindi katanggap-tanggap ang isinumiteng sagot ni Quiboloy sa ipinadalang show cause order ng Senado kung saan pinagpapaliwanag ang pastor kung bakit hindi ito dumadalo sa mga pagdinig at bakit hindi ito dapat maipa-contempt.

Ayon kay Hontiveros, ipinare-receive na sa abogado ni Quiboloy ang ruling ng Senate Committee on Women na ipa-cite in contempt ang pastor.


Aniya pa, kapag natanggap na ng kampo ni Quiboloy ang ruling ng kanyang komite ay saka niya ipa-follow up kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagpapaaresto dito.

Umapela naman si Hontiveros sa mga kapwa senador na huwag hayaang na patuloy na maliitin ni Quiboloy ang kapangyarihan ng Senado.

Kung hindi aniya sila maninindigan sa tahasang pambabastos sa Senado ay ewan na lang aniya kung saan sila pupulutin nito.

Facebook Comments