Magsasagawa na ng imbestigasyon ang Senate Committee on Foreign Relations ukol sa hiling ng Estados Unidos sa Pilipinas na temporary housing para sa mga Afghan refugees.
Batay sa abiso ng komite na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos, ikakasa ang pagdinig ngayong Biyernes, ala-una ng hapon.
Sa unang abiso, executive meeting lang dapat muna ang gagawin ng komite pero dahil sa kahalagahan at urgency na rin ng usapin kaya ipinasya na magdaos na lamang ng public hearing.
Ang pagdinig ay batay sa resolusyon na inihain ni Senator Marcos kung saan tinukoy niya na batay sa mga sources ay may mga Afghan nationals na papasukin at pansamantalang maninirahan dito sa bansa.
Nababahala si Marcos dahil maaari itong magdulot ng banta sa national security at sa kaligtasan ng publiko.
Kinukwestyon din ng senadora kung bakit palihim ang request ng US sa Pilipinas na patuluyin sa bansa ang mga foreign nationals sa Afghanistan.