Itatakda ng Senado ang imbestigasyon tungkol sa ipinatayong resort sa gitna ng Chocolate Hills pagkatapos ng paggunita ng Mahal na Araw.
Ayon kay Senate Tourism Chairperson Nancy Binay, may ibinigay na commitment na sa kanya si Senator Cynthia Villar na magdaraos sila ng imbestigasyon sa isyung ito kahit pa naka-session break.
Aniya, ang Senate Committee on Environment and Natural Resources na pinamumunuan ni Villar ang mangunguna sa pagdinig dahil mas lamang ang usapin sa paglabag sa kalikasan at environmental laws.
Maliban sa Captain’s Peak Resort ay sisilipin na rin ang iba pang mga imprastrakturang nabunyag na nakatayo rin mismo sa mga burol ng Chocolate hills.
Bukod sa sisiyasatin ay pag-aaralan ng mga komite nina Binay at Villar kung may plano ba sa pagtatayo ng mga imprastraktura, ano ang mga paglabag, solusyon at pagpapanagot sa mga responsable sa isyu.
Magsasagawa rin ng ocular inspection ang mga komite sa resort na ngayon ay pansamantalang ipinasara na.