Maglalatag pa ng maraming amyenda ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso para mas mapahusay pa ang bersyon ng Kamara sa Maharlika Investment Fund Bill.
Dahil dito, hindi pa matiyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri kung kailan maaaprubahan ang sovereign wealth fund sa Senado dahil ang panukala ay maituturing pang ‘work in progress’.
Pinayuhan din ng Senate President si Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies Chairman Senator Mark Villar na huwag madaliin ang pagtalakay sa Maharlika fund.
Mahalaga aniyang sa pagdinig ang lahat ng panig at opinyon ng lahat ng sektor kasama na pati ang mga pabor at mga tutol sa panukala.
Pagdating sa mabilis na pagpapatibay ng MIF bill sa Senado, ito aniya ay nakadepende sa diskarte ng pagtalakay ng komite ni Villar at sa paraan ng pagpapaliwanag nito hindi lamang sa committee level kundi hanggang sa plenaryo.
Ngayong araw nakatakda ang unang pagdinig ng Mataas na Kapulungan patungkol sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund.