Pag-aaralan ng Senado ang pagbuo ng panukalang batas na layong labanan ang misinformation na ipinapakalat ng ibang bansa tungkol sa Pilipinas.
Ilan lamang sa mga misinformation na ipinakalat ay ang claim ng China na nangako noon ang Pilipinas na aalisin sa Ayungin Shoal ang barko na BRP Sierra Madre.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on National Defense patungkol sa isyu sa West Philippine Sea, iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na napapanahon na para magkaroon ang Pilipinas ng Foreign Interference Act katulad sa bansang Australia.
Sa ilalim ng naturang batas ay nalalabanan ang mga aksyon ng isang katunggaling bansa na nagpapakalat ng misinformation sa pamamagitan ng pagpopondo, paglo-lobby at pagpapakalat ng maling impormasyong aatake sa komunidad ng isang partikular na bansa.
Isinusulong din ni Zubiri na magsagawa ng review sa lahat ng mga donasyong gamit sa mga ahensya ng gobyerno, hardware o software man ito ng China sa Pilipinas para matiyak na hindi nakokompromiso ang mga impormasyon sa ating bansa.