Senado, magpapatawag ng imbestigasyon tungkol sa krisis sa tubig

Plano ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na magpatawag ng pagdinig patungkol sa krisis sa tubig na nararanasan ng bansa ngayon lalo na sa Metro Manila.

Kasunod na rin ito ng water interruption ng Maynilad bunsod na rin ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat dam na pinagkukunan ng suplay sa NCR at mga karatig na lalawigan.

Sinabi ni Poe na sa pagbabalik ng sesyon ngayong Hulyo ay agad siyang magpapatawag ng Senate inquiry para mabigyang pagkakataon ang mga ahensya na makapaghanda at sagutin ang mga katanungan ng mga senador.


Giit ng mambabatas, bukod sa inconvenience, ang kakulangan ng tubig ay pwede ring magdulot ng sakit at perwisyo sa mga negosyo.

Sa gagawing imbestigasyon ay ikukunsidera rin ang pagre-review sa prangkisa ng mga water concessionaires at ang pagtupad ng mga ito sa kanilang mandato.

Muli ring kinalampag ni Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa kanilang mandato na maghanap ng mga bagong water sources ang bansa gayundin ang update sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam na inaasahang makadadagdag sa water supply sa buong Metro Manila.

Facebook Comments