Hiniling ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senator Pia Cayetano ang suporta ng liderato ng Senado sa irerekomenda ng komite na isang batas kung saan ang Food and Drug Administration (FDA) ang magre-regulate ng mga vape at lahat ng tobacco products sa bansa.
Iginiit ng senadora na kailangan ng batas na makakatulong para sa pagre-regulate at pag-iwas sa mga sakit sa pamamagitan ng pagsusulong ng maayos na kalusugan at hindi pagpayag na madiktahan tayo ng tobacco companies.
Kaugnay nito ay nagpahayag ng suporta si Senator Pia sa desisyon ng Korte Suprema na ang FDA ang siyang may kapangyarihan at kontrol sa aspetong pangkalusugan ng tobacco products.
Binalikan din ng mambabatas ang naipasang Vape Law noon kung saan napunta sa Department of Trade and Industry (DTI) ang responsibilidad sa pag-regulate ng vape at iba pang heated tobacco products dahilan kaya mas tumaas ang kaso ng mga gumagamit ng vapes at e-cigarettes sa hanay ng mga kabataan.
Kasalukuyan din aniyang dinidinig ng Blue Ribbon ang nangyaring nkakahiyang pagprisinta ng bansa kung saan mga kinatawan na sumusuporta sa tobacco industry ang dumalo sa World Health Organization (WHO) health forum.