Magkakasa ang Senado ng hiwalay na imbestigasyon patungkol sa pagkasawi ng 17 anyos na si Jemboy Baltazar na pinagbabaril ng mga pulis Navotas matapos mapagkamalang suspek.
Ang pagsasagawa ng imbestigasyon ay kaugnay na rin sa inihaing resolusyon dito nina Senator Risa Hontiveros at Senator Koko Pimentel at ang privilege speech ni Senator Raffy Tulfo.
Sa Senate Resolution 742 ni Hontiveros ay pinasisiyasat ang sobrang paggamit ng lethal force ng mga pulis kay Jemboy.
Pinasisilip sa imbestigasyon ang batas, patakaran at mga regulasyon sa police engagement at paggamit ng armas pati na ang mga batas na sumasaklaw sa accountability at criminal liability ng mga sangkot na police officers.
Nakasaad naman sa Senate Resolution 736 ni Pimentel na katumbas ng pagkunsinti sa mga pulis at pagkakaroon ng selective justice ang sinapit ng binatilyo.
Samantala, kinundena naman ni Senator Raffy Tulfo sa kanyang privilege speech ang pagsasampa lang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa mga pulis na nakapatay kay Baltazar.
Sinita rin ni Tulfo ang pagpatay ng mga pulis sa kanilang body-worn camera nang isagawa ang operasyon at hindi rin na-paraffin test ang mga pulis na sabit sa krimen.