Senado, magsasagawa ng ocular inspection sa gusali sa Pasay na ginamit ng mga POGO sa iligal na gawain

Magsasagawa ang Senate Committee on Women ng ocular inspection sa gusali sa Pasay City na ginamit ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) companies sa prostitusyon o sex trafficking, love at crypto scams, pangto-torture at iba pang iligal na gawain.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros na Chairman ng komite, ikakasa sa darating na Biyernes ang ocular inspection sa ni-raid na gusali upang maunawaan ang lawak ng problema ng mga iligal na aktibidad at human trafficking.

Nagtataka naman si Hontiveros dahil lantarang ginagawa ng naturang POGO ang mga iligal na gawain pero hindi ito alam ng mga police officer na nakatalaga sa Pasay.


Aniya, maaaring nagpabaya ang mga pulis o kaya ay nagsawalang kibo na lamang at nakakabahala pa aniya rito ay posibleng matagal na silang nasa bulsa ng mga Chinese mafia.

Napapaisip tuloy ang senadora na maaaring may iba pang police stations sa ibang bahagi ng bansa ang pinagtatakpan ang mga iligal na gawain ng mga POGO dahilan kaya hindi rin matigil-tigil ang mga krimen.

Umapela naman si Hontiveros sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan din sa ibang lugar ang kahalintulad na pattern na pagatatakip ng mga awtoridad sa mga iligal na aktibidad ng mga POGO.

Facebook Comments