Senado, magsasagawa pa rin ng mga pagdinig at imbestigasyon kahit naka-session break

Magkakasa pa rin ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng mga pagdinig at imbestigasyon sa kabila nang naka-session break na ito para sa Holy Week.

Nitong Miyerkules ay nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para bigyang daan ang Mahal na Araw at sa Mayo 8 pa magbabalik ang sesyon.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sa kabila ng naka-break ang Senado ay magpapatuloy pa rin ang committee hearings at mga pagsisiyasat.


Kasama sa mga diringgin ng Senado ang priority measures na kailangang maipasa na sa komite at ilang mga isyu tulad na lamang ng inaasahang imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at ang pagkamatay sa hazing ng estudyanteng si John Matthew Salilig.

Samantala, ipinagmalaki rin ng Mataas na Kapulungan ang 14 na panukalang napagtibay bago mag-adjourn na naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ilan sa mga panukalang batas na inaasahang malalagdaan ng pangulo para maging ganap na batas ang Condonation of Unpaid Amortization and Interest on Loans of Agrarian Reform Beneficiaries Act at ang Act Further Strengthening Professionalism and Promoting the Continuity of Policies and Modernization Initiatives in the AFP, na parehong niratipikahan nitong Miyerkules.

Facebook Comments