Senado, mahihirapang kuhanin ang 18 boto para sa Cha-Cha – Sen. Villar

Naniniwala si Senator Cynthia Villar na mahihirapan si Senate President Juan Miguel Zubiri na makuha ang 3/4 na boto sa mga senador para maipasa ang Resolution of Both Houses No.6 o ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Isa si Villar sa mga senador na hayagang tumututol sa Charter Change.

Sa tingin ng mambabatas, mahihirapan kumuha ng 18 boto si Zubiri na pabor sa Cha-Cha dahil sa pangamba na mapasukan ng pag-amyenda sa political provision ang panukala.


Hindi rin kumbinsido si Villar na pumabor sa Cha-Cha sa kabila ng ginagawang pagdinig ng Senado para maglatag ng rules na kapareho sa Kamara para talakayin at aprubahan ang Cha-Cha.

Giit ng senadora, wala namang kaugnayan at hindi makakaapekto sa pagboto ng mga senador ang pagsasaayos ng rules ng Senate.

Ayaw naman pangunahan ni Villar kung sino-sinong mga senador ang posibleng tumutol sa Cha-Cha pero nakatitiyak siyang mahirap kunin ang 18 boto.

Facebook Comments