Senado, makikipagtulungan sa mga LGU para mapalakas ang infrastructure development

Nangako si Senate Committee on Public Works Chairman Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na makikipagtulungan sa Local Government Units (LGUs) para mapalakas ang kanilang infrastructure development.

Kabilang na rito ang pagsusulong sa Senado ng mga panukalang batas tulad ng road conversion, pagpapalit ng pangalan ng mga kalsada, at pagbubuo ng district engineering offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inihalimbawa ni Revilla ang pagko-convert sa ilang kalsada sa mga lalawigan para maging national roads na makakatulong sa pagunlad ng ekonomiya ng isang LGU dahil bibilis ang paghahatid ng mga serbisyo.


Sa pagbibigay naman ng bagong pangalan sa mga kalsada at tulay ay nangangahulugan naman aniya ng pagtanaw ng utang na loob sa mga may malalaking ambag sa kasaysayan at upang maalala ang kanilang mga naging sakripisyo.

Binigyang diin ni Revilla ang kahalagahan naman ng pagtatag ng mas maraming district engineering offices (DEOs) sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang mapalapit ang serbisyo sa publiko at mapabilis ang ugnayan pagdating sa infrastructure development.

Facebook Comments