Naniniwala si Senator Sonny Angara na kahit paano ay mananatili pa rin na independent ang mataas na kapulungan kahit iisa lamang na senador ang nahalal sa katatapos na eleksyon na lumiitaw na nasa panig ng oposisyon.
Paliwanag ni Angara, mula naman sa magkakaibang partido ang mga senador na bubuo sa 19th Congress at dala ang kanya-kanyang pananaw, ideolohiya at adbokasiya.
Sa tingin din ni Angara, ang papatapos na 18th Congress ay magandang ehemplo para sa papasok na 19th Congress dahil naging produktibo ito, mahusay na liderato ay may maayos na samahan at pagtatrabaho ang mga senador.
Binanggit ni Angara na sa kabila ng mahahaba at matitinding mga debate ay marami silang naipasang batas na nakatulong ng malaki sa ating mga kababayan sa gitna ng matinding pagsubok sa ating kasaysayan dahil sa pandemya.
Diin ni Angara, aktibong tumulong ang Senado sa pangulo at administrasyon nito sa pagtataguyod sa mga programa at tulong para matugunan ang pangangailangan ng mamamayan na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.