Nagpasya si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na panatilihing naka-semi lockdown ang Senado dahil patuloy na nadadagdagan ang mga empleyado nito na positibo sa COVID-19.
Ibig sabihin ay mananatili ang umiiral na skeletal force na operasyon ng Senado kung saan may dalawang araw na iskedyul ng pasok kada linggo ang mga Senate employees at dalawang araw naman na work from home.
Unang ikinonsidera na isailalim sa 14 na araw na total lockdown ang buong Senado makaraang may dalawang dagdag na empleyado nito ang nagpositibo sa virus.
Pero ayon kay Sotto, hindi maaaring ipatupad ang total lockdown dahil may mga trabaho na kailangang asikasuhin ang mga tanggapan ng Senado.
Inihalimbawa ni Sotto ang pagproseso sa sweldo ng mga empleyado at ang pagsasagawa ng mga pagdinig ng mga tanggapan ng senador.
Kahapon ay nag-disinfect uli sa buong gusali ng Senado para masiguro ang proteksyon ng mga pumapasok na empleyado.
Base sa record ng Senate Medical & Dental Bureau, umaabot na sa 16 na empleyado ang tinamaan ng COVID-19 kung saan isa ang nasawi, 13 ay nakarekober at 2 ang active case.
Bukod pa ito sa tatlong senador na nagpositibo rin sa virus.