Magiging maluwag na ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa mga patakaran at mga paghihigpit sa COVID-19.
Sa pagbabalik sesyon sa Lunes, July 24, inaalis na ang mga ipinatupad noong una na mahigpit na protocols.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi na mandatory ang antigen test sa mga kawani at maging sa mga bisita ng Senado at optional na rin ang pagsusuot ng face mask.
Sa sesyon naman sa plenaryo, hindi na papayagan ang ‘virtual’ na pagdalo ng mga senador pero maaari naman silang humarap ‘virtually’ sa committee hearings.
Nasa desisyon naman ng komite o mga senador kung papayagan ang ‘virtual’ na pagdalo ng resource persons na inimbitahan sa pagdinig.
Inalis na rin sa session hall ang acrylic barriers pero may air purifiers pa rin sa loob ng plenaryo dagdag proteksyon sa mga mambabatas at sa mga staff.
Bukod dito, tinanggal na rin ang mga marker sa upuan sa session hall para sa social distancing at balik na rin sa dating hanay ang mga mesa ng mga senador.
Sa kabila ng pagluluwag sa patakaran, mahigpit naman ang paalala ng Mataas na Kapulungan na kung may lagnat o kung masama ang pakiramdam ay makabubuting mag-isolate at magpatingin sa doktor upang matiyak na walang sakit na maaaring makahawa sa mga empleyado tulad ng COVID-19.