Nagpaabot ng babala si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga patuloy na nagsasagawa ng hazing.
Kaugnay na rin ito sa pormal na pagsasampa ng kasong murder ng Department of Justice (DOJ) sa pitong miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na sangkot sa pagkamatay ni John Matthew Salilig dahil sa hazing.
Babala ni Zubiri laban sa mga pasaway at patuloy na nasasangkot sa hazing na titiyakin niyang walang kawala ang mga ito sa Anti-Hazing Law.
Ang mga asuntong kinakaharap ngayon ng mga dawit sa pagpaslang kay Salilig sa pamamagitan ng hazing ay patunay lamang na gumagana ang Anti-Hazing Law at kapag ginawa ang krimen na ito ay mismong ang batas ang tutugis at magpapanagot sa kanila.
Banta pa nito sa mga sangkot at nagsasagawa ng hazing na darating ang araw na haharapin din ng mga ito ang batas at mabubulok sila sa kulungan.
Nagpasalamat naman si Zubiri sa DOJ, sa Philippine Nationakl Police (PNP) at sa iba pang law enforcement agencies na mabilis na umaksyon sa kaso ni Salilig.