Umaapela si Senate President Juan Miguel Zubiri sa embahada ng China sa Pilipinas na sabihan ang mga Chinese maritime militia na itigil na ang ginagawang ‘wanton destruction’ o pagsira sa marine environment at coral reefs ng Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
Giit ni Zubiri, ang ginagawang pagwasak ng Chinese militia sa nasabing mga teritoryo ay hindi lang pagsira sa Pilipinas kundi ito ay pagsira sa buong mundo.
Paliwanag ni Zubiri, ang mga isdang nagpaparami rito ay hindi lang naman hina-harvest o hinuhuli ng mga Pinoy na mangingisda kundi ito ay hinuhuli rin ng mga Malaysian, Vietnamese at maging ang mga Chinese fishermen kaya dapat lamang na protektahan ang mga bahura na ito.
Dahil sa nangyaring pagsira ng mga maritime militia ng China sa ating reefs at bahura sa West Philippine Sea ay mas lalong tumitindi ang pangangailangan na taasan pa ang pondo sa pagbili ng mga barko, patrol crafts at research centers gayundin ng mga makabagong kagamitan ng Navy, Army at Coast Guard.
Tinukoy pa ni Zubiri na kumpara sa 64 hanggang 100 barko ng China, ang Pilipinas ay mayroon lamang apat na barko na salitang naka-istasyon sa Palawan Command at Western Command.
Tinawag naman na ‘foul’ ni Zubiri ang ginawa ng China na pag-harvest at pagsira sa ating mga coral reef at marine resources.
Iginiit ng senador na kung hindi kaya ng China na igalang ang desisyon ng arbitral ruling pabor sa Pilipinas ay dapat sana irespeto naman nila ang ating marine resources dahil napakabihira at napakahirap na malikha ito sa ating mga protected area.