Senado, may rekomendasyon na sa naging imbestigasyon sa pagpatay sa Pinay OFW na si Jullebee Ranara

Inirekomenda ng dalawang komite sa Senado ang pag-ban o hindi muna pagpapadala ng mga Filipino household services workers sa Kuwait.

Ang rekomendasyon ay nakapaloob sa 28 pahinang committee report ng Senate Committee on Migrant Workers at Senate Committee on Foreign Relations kaugnay sa naging resulta ng imbestigasyon sa karumal-dumal na pagpaslang sa Pinay Overseas Filipino Workers (OFW) na si Jullebee Ranara na pinatay ng anak ng kanyang amo sa Kuwait.

Ipinapa-ban o pansamantalang ipinagbabawal muna ang pagpapadala sa Kuwait ng mga bagong hired na Filipino household services workers hanggat hindi pa natitiyak ang proteksyon sa mga ito.


Hindi naman kasama sa ban ang mga Pinoy household service workers na dati nang nagtatrabaho sa Kuwait.

Dagdag pa sa rekomendasyon ng dalawang komite ang pag-oobliga sa gobyernong Kuwait na humingi ng paumanhin sa sinapit ng biktima at ng pamilyang Ranara at ang iba pang pang-aabuso laban sa mga Pilipino.

Pinagbabayad din ng danyos ang umabuso at pumatay kay Ranara.

Ipinarerepaso at ipinasasailalim din sa evaluation ang bilateral labor relations ng Pilipinas sa Kuwait at hiniling din ang pagbuwag sa Kafala system tulad ng ginawa sa Bahrain at Qatar.

Hiniling din ang pagpapasara ng mga recruitment agency na paulit-ulit na nagpapabaya sa kanilang mga idine-deploy sa abroad at iyong mga nagsisilbi lang na dummy ng ibang recruiters.

Facebook Comments