Wala pa ring hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Francis Tolentino matapos na ibaba ng ICC ang desisyon na nagbasura sa apela ng Pilipinas na iatras ng ICC ang imbestigasyon sa “war on drugs” ng dating Duterte administration.
Muling iginiit ni Tolentino na ang pagtanggi ng ICC sa apela ng Pilipinas ay hindi nagbibigay ng hurisdiksyon para panghimasukan ang bansa na sa umpisa pa lang ay wala naman talaga.
Binigyang-diin ng senador na anumang nakaliligaw na claims ay mas lalo lamang magbibigay highlight sa patuloy na pagbalewala ng ICC sa soberanya ng Pilipinas.
Dagdag pa niya, dapat na mabatid na ang isang foreign entity ay walang kapangyarihan na imbestigahan ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang taong 2018 nang kumalas ang bansa sa ICC dahilan kaya walang hurisdiksyon ang korte sa bansa.