Senado, muling tiniyak ang “on track” na pagapruba sa 2024 national budget

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na “on track” ang Senado sa pagapruba sa panukalang 2024 national budget.

Sinabi ni Zubiri na inasaahan nilang sa pagbabalik ng sesyon sa November 6 ay maisusumite na sa kanila ng Kamara ang inaprubahan na bersyon na General Appropriations Bill at agad naman nilang masisimulan ang plenary debates.

Sa ngayon aniya, kahit naka-break ang sesyon ay tuloy-tuloy ang mga committee budget hearings para busisiin ang panukalang pondo ng bawat ahensya.


Sa plano aniya ng Senado, sa November 10 ay sisimulan na nila ang plenary debates na tatagal ng dalawang linggo at sa katapusan ng Nobyembre ay mapagtibay na ang pambansang pondo sa ikatlo at huling pagbasa.

Unang linggo ng Disyembre isasalang ang national budget sa bicameral conference committee meeting at sisikaping maratipikahan na sa Disyembre 8 hanggang 10.

Sa ganitong skedyul, sinabi ni Zubiri na sa ikalawang linggo ng Disyembre o bago matapos ang taon ay malalagdaan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang national budget sa 2024.

Facebook Comments