Naalarma si Senate President Chiz Escudero sa mga naging pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Escudero, nakababahala ang mga sinabi ni VP Duterte na banta sa buhay kina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos dahil ito ay hindi akma o nararapat sa isang opisyal lalo na sa tulad ng Bise Presidente na pangalawa sa pinakamataas na lider ng bansa.
Paalala ni Escudero kay Duterte na bilang isang public official ay mayroon siyang tungkulin na maging magandang halimbawa sa mga tauhan ng Office of the Vice President, sa mga Pilipino lalo na sa mga kabataan.
Dapat aniyang ikunsidera ni VP Sara at ng mga kaalyado nito na ang kanyang mga naging aksyon ay may impluwensya sa tumataas na tensyon sa gobyerno.
Nanawagan din si Escudero sa lahat ng partidong sangkot na tumulong na pahupain ang sitwasyon para maiwasan ang lalo pang pagkapahamak ng marami.