Senado, nagbabala kay Shiela Guo na pwedeng makulong sa regular na bilangguan

May babala ang Senado kay Shiela Guo, ang pinakilalang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ang babala ay ginawa ni Senator Sherwin Gatchalian kung saan sinabi nitong posibleng maipakulong sa regular na bilangguan si Shiela Guo kapag patuloy na nagsinungaling sa imbestigasyon ng Senado.

This slideshow requires JavaScript.


Ayon kay Gatchalian, dati nang may napa-contempt ang mataas na kapulungan at dahil sa hindi pagsasabi ng totoo ay napilitan na ang Senado na ilipat at ipakulong ang iniimbestigahan sa regular na bilangguan.

Sa ngayon ay nasa air-conditioned na detention room si Shiela Guo matapos na isnabin ang mga imbitasyon at subpoena para sa pagdinig tungkol sa iligal na operasyon ng mga ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Bamban at Porac.

Sa Lunes, September 2, ay muling ipagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado patungkol sa kanselasyon ng pasaporte ni Alice Guo at ang pagtakas ng mga ito sa bansa.

Ikinalugod naman ni Gatchalian na mayroon nang katiyakan na makakadalo sa susunod na pagdinig ang incorporator ng Lucky South 99 na si Cassandra Li Ong matapos payagan ng Kamara ang hiling ng mga senador.

Facebook Comments