Nagbanta si Senate Finance subcommittee Chairman Cynthia Villar sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na i-de-defer ang kanilang budget dahil sa tila hindi handa ang ahensya sa mga ibinatong katanungan ng mga senador partikular sa talamak pa rin na smuggled na mga isda sa mga pamilihan.
Sa pagdinig sa panukalang budget ng BFAR sa Senado, inusisa ni Senator Imee Marcos ang estado ng importasyon ng mga isda na aniya’y talamak pa rin sa merkado.
Ayon kay BFAR Assistant Director for Operations Sammy Malvas, wala ng bagong importasyon ng isda dahil naglapse na ang certificate of necessity to import (CNI) nitong Hunyo o Hulyo pero hindi naman kumbinsido rito si Marcos dahil nakikita sa palengke na may mga imported pa rin na isda at hindi naman nagkaroon ng pagbaba sa presyo ng mga itinitindang isda.
Paliwanag naman ni Malvas, posibleng ang mga nakikita na imported na isda sa pamilihan ay mula pa sa huling importation na itinago lang sa cold storage at ngayon lang inilabas.
Nang matanong naman ni Marcos kung may nag-i-inspeksyon sa mga palengke mula sa BFAR para alamin ang isyu, wala namang maisagot ang opisyal dahil wala rin ang BFAR OIC na si Atty. Demosthenes Escoto na nagkalagnat umano kahapon.
Hirit ni Marcos sa BFAR ang report sa mga hakbang na ginawa ng ahensya laban sa smuggling ng mga isda at fishery products, update sa fish importation, projected shortage at kung kakailanganin pa bang mag-import ng mga isda.