In-adopt na ng Senado ang Senate Resolution Number 475 na nagtatakda ng pag-convene nito bilang Committee of the Whole para imbestigahan ang umano’y mga anumalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ang resolusyon ay inihain nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Panfilo “Ping” Lacson at nagpasyang maging co-author ang lahat ng mga senador.
Pero hindi kasama rito si Senator Richard Gordon bilang pagpapakita ng delicadeza dahil ang pinamumunuan niyang Philippine Red Cross ay may kasunduan sa Philhealth.
Otomatikong Chairman ng Committee of the Whole si SP Sotto at gagawin ang pagdinig anumang araw sa susunod na linggo kung saan planong imbitahan sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at PhilHealth President Ricardo Morales.
Nauna nang binanggit ni SP Sotto na posibleng may tatlo hanggang apat na testigo ang lulutang sa pagdinig ng Senado at isa dito ay inaasahang si Atty. Thorrsson Keith na nagbitiw bilang Anti-Fraud Legal Officer ng PhilHealth.