Naghahanda na ang Senado para mapakinggan mamayang hapon ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sinuspinde na ang sesyon ngayong umaga kung saan mamaya magre-reconvene ang Senado at Kamara para sa joint session upang saksihan ang SONA ng pangulo.
Inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution 681 at 682 na nagpapaalam sa pagbubukas ng sesyon ng 2nd regular session ng 19th Congress at pagco-convene mamaya ng Senado at Kamara para saksihan ang SONA ng pangulo mamayang hapon.
Sa pagbubukas ng sesyon kanina iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sa halip na magbakasyon ang Senado ay nagpatuloy pa rin ang trabaho tulad ng mga committee hearing dahil sa dami na rin ng kailangang gawin.
Bukod sa mga panukala ay nagtuluy-tuloy rin ang imbestigasyon ng Senado tulad ng mga problema sa NAIA, problema sa paggawa ng license cards ng LTO, mga reklamo tungkol sa serbisyo ng Cebu Pacific, at ang madalas na power outages at mataas na singil sa kuryente.
Samantala, kabilang naman sa mga isusulong ng Senado ngayong 2nd regular session ng 19th Congress ang Center for Disease Control, Virology Institute of the Philippines, Medical Reserve Corps., mas malakas na anti-agricultural smuggling law, Ease of Paying Taxes Bill, Waste-to-Energy Bill, Magna Carta for Seafarers, National Employment Action Plan, Internet Transactions Act, E-governance Act at marami pang iba.
Inaasahang alas-2:00 ng hapon ay magsisidatingan na ang mga senador sa Kamara para personal na saksihan ang magiging ulat ng pangulo sa bansa.