Senado, naghain na ng sagot sa Korte Suprema tungkol sa dagdag na impormasyon sa impeachment proceedings laban kay VP Sara

Naghain na ang Senate impeachment court ng Manifestation Ad Cautelam sa Korte Suprema bilang tugon sa en banc resolution noong Hulyo 8.

Sa pamamagitan ng Office of the Legal Counsel, inihain ang limang pahinang manifestation kung saan ipinagbigay alam ng Senado sa Kataas-taasang Hukuman na wala itong sapat na kaalaman o access sa mga impormasyon na hinihingi ng Supreme Court.

Binigyang-diin din na marami sa mga datos ay tumutukoy sa mga proseso at desisyon na ginawa ng Kamara at ito rin ang parehong impormasyon na hinihingi ng Senate impeachment court sa pamamagitan ng isang order noong Hunyo 11.

Ipinunto rin dito na ang paghahain ng manifestation ad cautelam ay nagtatakda ng constitutional boundaries ng bawat sangay ng pamahalaan at ang hangganan ng impormasyon na maaaring maibigay ng Senado lalo na’t walang opisyal na access ang impeachment court sa mga nasabing datos na hinihingi rin sa House of Representatives.

Sinabi ng tagapagssalita ng Senate impeachment court na si Atty. Reginald Tongol na ang paghahain ng manifestation ay patunay ng pakikiisa at respeto ng Senado sa mga judicial process habang iginagalang ang hangganan ng kapangyarihan ng bawat sangay ng pamahalaan.

Facebook Comments