Inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pakikisimpatya at pakikiramay ng Senado sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Sa Senate Resolution No. 72 nakasaad ang pakikidalamhati ng Senado sa pagpanaw ni Ramos na ika-labindalawang pangulo ng bansa.
Nakasaad din sa resolusyon ang pagkilala ng Senado kay Ramos ay hindi lamang bilang isang dating presidente, kundi isa ring dating sundalo na noo’y matapang na nakipaglaban sa 1952 Korean War hanggang sa naging Chief of Staff ng Hukbong Sandatahan ng bansa mula 1986 hanggang 1988 at Kalihim ng Department of National Defense at Chairman ng National Coordinating Council mula 1988 hanggang 1991.
Binigyang pagkilala rin sa resolusyon ang mga award at iba pang pagkilala na natanggap ni Ramos sa loob at labas ng bansa.
Kilala rin ang dating Pangulong Ramos sa kanyang programa na Philippines 2000, ang pagsusulong nito sa bansa na makilala bilang Asia’s Next Tiger Economy at ang peace talks sa pagitan ng Moro National Liberation Front (MNLF) noong 1996.
Ayon kay Zubiri, pagtitibayin mamayang hapon sa sesyon ang resolusyon na nagpapahayag ng pakikiramay ng kapulungan sa pagpanaw ni dating Pangulong Ramos.