Senado, naghain ng resolusyon ng pagkilala sa mga estudyanteng Pinoy na nagwagi sa World Universities Debating Championship

Inihain ng ilang mga senador ang resolusyon na nagbibigay papuri at pagkilala sa tagumpay ng mga mag-aaral ng Ateneo de Manila University (ADMU) na kinatawan ng bansa sa World Universities Debating Championship (WUDC) na ginanap kamakailan sa Madrid, Espanya.

Tatlong magkakahiwalay na resolusyon ang inihain nina Senators Risa Hontiveros, Lito Lapid at Jinggoy Estrada para bigyang pagkilala ng Senado sina David Africa at Tobi Leung na kampeon ngayong taon sa WUDC 2023.

Tinalo ng mga estudyanteng Pinoy ang mga pambato sa debate ng mga bansang Bulgaria, Israel at Estados Unidos.


Ang team Ateneo Debate Society ang kauna-unahang grupo sa South East Asia na nakapag-uwi ng kampeonato sa patimpalak at siyang ikalawa naman sa Asian team na umabot hanggang sa finals ng debating championship sa loob ng 43 taon.

Umaasa ang mga senador na sa pambihirang tagumpay na ito nina Africa at Leung ay magsilbing inspirasyon ito sa susunod na henerasyon ng mga Filipino world class debaters at sa mga mag-aaral na sikaping abutin ang kanilang kahusayan.

Facebook Comments