Nag-alay ng necrological service ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso para sa yumaong si dating Senador Rodolfo Biazon.
Bago mag-alas-dyes ng umaga ay nakarating na sa Senado ang mga labi ng dating senador kung saan sinalubong ang yumaong senador ng honor guards na kinabibilangan ng mga miyembro ng Philippine Airforce, Philippine Army at Philippine Marines.
Kumpletong dumalo sa necrological service ang buong pamilya Biazon na sina Rita Biazon, Rino Biazon, Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon at si Ginang Monserrat Biazon.
Kabilang sa mga dating mambabatas na naghatid ng eulogy at tribute kay dating Sen. Pong sina dating Senate President Tito Sotto III, former Senators Jose Lina Jr., at Gringo Honasan at dating Senate President Franklin Drilon.
Inalala ni Sotto ang kanilang naging samahan ni Sen. Biazon mula kampanya hanggang sa Senado kung saan inilarawan nito ang pagiging masayahin ng mambabatas at dedikasyon nito bilang isang mambabatas.
Isa sa hindi makakalimutan ng dating Senate president ang pag-akyat ni Sen. Pong sa entablado noong kampanya at nagpakilala ito sabay sabing hindi siya kumakain ng bala kundi tangke ang kinakain niya sabay ng malakas na palakpakan ng mga tao at mula dito ay nahalal na senador si Biazon.
Dagdag pa ni Sotto, palaging maaalala si dating Sen. Biazon hindi lamang bilang isang mahusay na militar at senador kundi isang mabuting ama, mapagmahal na asawa at tunay na kaibigan.
Nagbigay rin ng kanilang eulogy sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senate President Pro Tempore Loren Legarda habang virtual naman si Senate President Juan Miguel Zubiri.
Personal namang ipiprisinta ng Senado sa pamilya Biazon ang resolusyon ng pakikiramay at pagkilala sa mga nagawa para sa bayan ni dating Senator Pong Biazon.