Senado, naglaan ng ₱1.3 billion na alokasyon para sa pangangailangan ng mga OFW

Aabot sa ₱1.3 billion ang alokasyong inilaan ng Senado para sa assistance na kinakailangan ng ating mga distressed Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon kay Senator Joel Villanueva, nakapaloob ito sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund na layong makapagbigay agad ng tulong sa mga mangangailangang kababayan sa ibang bansa.

Kaugnay pa rito ay kinalampag din ng senador ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Migrant Workers (DMW) na ipagpatuloy ang mga hakbang para maprotektahan at mapangalagaan ang ating mga kababayan sa abroad.


Ito’y matapos pumayag ang Indonesia na makauwi na ng bansa si Mary Jane Veloso na unang naharap sa parusang kamatayan dahil sa iligal na droga.

Hiniling ni Villanueva na ipagpatuloy ng DFA at DMW ang kanilang maagap na pagsisikap at diplomatic initiatives sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga kababayan sa ibang bansa lalo na ang mga Pilipinong may kaso at nahaharap sa death row.

Facebook Comments