Nagpaabot ng pakikiramay ang mga senador sa pagpanaw ng tinaguriang ‘sprint legend’ na si Lydia de Vega.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, nakakalungkot ang pagpanaw ng isa sa mga Philippine sports icon at childhood hero na si De Vega.
Inspirasyon aniya si De Vega ng mga atleta dahil makailang beses itong kumatawan sa bansa sa international sports competition.
Para kay Senator Sherwin Gatchalian, hindi lamang sa race tracks kampeon si De Vega kundi sa puso ng mga Pilipino dahil sa kanyang “world class talent” na nagbigay karangalan sa bansa at ang pagiging modelo nito sa mga nakababatang henerasyon ng mga atleta.
Sinabi naman ni Senator Robinhood Padilla na hindi makakalimutan ang karangalan na ibinigay sa bansa ni De Vega noong dekada ‘80 dahil naging kahanga-hanga noon ang Pilipinas sa mga karatig-bansa.
Si Senator Lito Lapid naman ay sinabing hindi kailanman mabubura ang iniwang alaala ni De Vega sa galing at husay nito sa pagiging isang atleta.