Nagpaabot ng pakikiramay ang mga senador sa pamilya ng tatlong mangingisda na nasawi matapos banggain ng isang commercial vessel ang kanilang bangkang pangisda sa Bajo de Masinloc.
Giit ni Senate President Juan Miguel Zubiri, labis ang kanilang nararamdamang galit at pagkaagrabyado sa ginawang pagbangga ng isang hindi pa matukoy na commercial vessel sa fishing boat ng ating mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Malinaw aniya sa ngayon na mayroong kapabayaan sa buhay ng ating mga mangingisda na payak na naghahanapbuhay lamang sa sarili nating karagatan.
Tiniyak ni Zubiri na hindi sila magpapahinga hangga’t hindi nalalaman ang puno’t dulo ng insidente at matukoy ang barko na bumangga sa ating mga mangingisda.
Sinabi pa ni Zubiri na kung sakaling aksidente man ang nangyari ay aalamin kung may pagtatangka ba na tulungan ang ating mga mangingisda na siyang dapat na ginawa sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL).
Pinatitiyak naman ni Senator Francis Tolentino na mapanagot sa batas ang mga may kasalanan, sabay giit sa pangangailangan na protektahan ang mga Pinoy na mangingisda at ang ating marine resources sa pamamagitan ng pag-apruba sa ating Maritime Zone Law at pagbili ng mga kinakailangang kagamitan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Samantala, sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat tumulong ang mga tripulante ng ibang sasakyang pandagat na naroon sa insidente.
Nakatitiyak naman si Pimentel na mayroong programa ang gobyerno para tulungan ang mga naulilang pamilya at bigyan ng hustisya ang pagkasawi ng mga mangingisda.