Senado, nagpasa ng resolusyon na nagpapahayag ng pakikidalamhati sa pagpanaw ng aktres na si Susan Roces

Pinagtibay ng Senado ang resolusyon na nagpapahayag ng pakikidalamhati sa pagpanaw ng aktres na si Susan Roses na ina ni Senator Grace Poe.

Ang nabanggit na resolusyon ay inihain ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” F. Zubiri na may kaugnayan sa resolusyon na inihain naman nina Senators Ramon Bong Revilla, Jr. at Manuel “Lito” Lapid.

Nakasaad dito ang pagturing kay Roces bilang “Queen of Philippine Movies”, tunay na Pilipina na may hindi matatawarang kontribusyon sa Philippine cinema at maituturing na yaman ng ating bansa.


Binanggit din sa resolusyon ang hindi mabilang na pagkilala at mga parangal na tinanggap ng aktres.

Pinuri din sa Senate resolution ang sinserong malasakit ni Roces at asawang si Da King Fernando Poe Jr., sa kapakanan ng mga manggagawa sa movie industry.

Labis naman ang pasasalamat ni Senator Poe sa pakikiramay at pagkilala sa kanyang yumaong ina.

Sabi ni Poe, ang kanyang ina ang inspirasyon nya para tapusin ang lahat ng kanyang sinimulan.

Inaalay rin ni Poe sa kanyang ina ang bagong pasang batas na Foundling Recognition and Protection Act na nagbibigay proteksyon sa mga batang inampon katulad niya.

Facebook Comments