Senado, nagpasalamat sa desisyon ng COMELEC na suspindihin ang mga proceedings kaugnay sa People’s Initiative

Nagpasalamat at pinuri ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Commission on Elections (COMELEC) matapos na suspindihin nito ang lahat ng proceedings na may kinalaman sa People’s Initiative.

Ayon kay Zubiri, nagpapasalamat sila na napansin ng COMELEC na hindi sapat ang kanilang rules para sa isinusulong na People’s Initiative at ikinalugod din ng Senado ang pangako ng komisyon sa gagawing motu proprio na pagrepaso sa kanilang mga alituntunin.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, na sa wakas ay nagising din sa katotohanan ang COMELEC at pinakinggan din nito ang mga senador at ang mga tao.


Aniya, ang hakbang na ito ay maituturing na acknowledgement ng COMELEC sa limitasyon ng kanilang kapangyarihan.

Muling iginiit ni Pimentel na walang awtoridad ang COMELEC sa ilalim ng batas na lumikha ng mga guidelines patungkol sa People’s Initiative kahit pa ang tumanggap ng mga lagda.

Samantala, umapela naman si Senator Nancy Binay na paigtingin pa ang pagbabantay sa mga umiikot na pagpapapirma sa maraming lugar sa bansa sa posibilidad na maaaring mayroon pa ring susubok na mailusot ang pekeng People’s Initiative.

Facebook Comments