Hinimok ni Public Services Chairman Senator Grace Poe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang nakatakdang phaseout sa June 30 ng tradisyunal na jeepneys bunsod na rin ng PUV Modernization Program.
Kasabay nito ang pag-apruba ng Senado sa Senate Resolution 507 na humihikayat sa LTFRB na suspendihin ang planong phaseout ng mga jeepney dahil na rin sa mga inilatag na concerns ng mga apektadong sektor.
Nagpahayag ng co-authorship sa resolusyon ang lahat ng mga senador.
Giit dito ni Poe na siyang nag-sponsor ng resolusyon sa plenaryo, dapat masagot muna ang mga alinlangan ng jeepney operators at drivers sa financial viability ng jeepney modernization program.
Ipinunto ni Poe na ilang beses na pinalawig ang deadline ng PUV modernization pero hanggang ngayon ay wala pa ring route rationalization o malinaw na ruta na tiyak na magpapahirap hindi lang sa mga drivers kundi pati na rin sa mga pasahero.
Aniya, baka iniisip ng LTFRB na malalim ang bulsa ng jeepney drivers na ang kita o ‘take home pay’ kada araw ay nasa P750 lamang.
Binigyang-diin pa ni Poe na ang pagpupumilit sa deadline ng phaseout ng mga jeepney ay hindi lamang kabaliwan kundi isa ring kalupitan para sa transport sector.