Senado, nagpatupad ng mahigpit na seguridad matapos makatanggap ng bomb threat

Nagpatupad ngayon ng mahigpit na seguridad ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso matapos makatanggap ng bomb threat kahapon.

Sa pagpasok pa lang sa Senado ay may mga Pasay PNP na naka-deploy sa harap at mahaba rin ang pila para sa pagsusuri sa bawat pumapasok sa gusali, mapa-empleyado man o bisita.

Kinumpirma naman ni Senate President Chiz Escudero ang mahigpit na seguridad sa Senado matapos na makatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng social media ng Senado.


Sinabi ni Escudero na bagama’t hindi ito ikinokonsidera na credible at seryosong banta, nagpatupad pa rin ng ibayong pag-iingat ang Mataas na Kapulungan.

Samantala, sinabi ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., na mayroong nag-post ng threat sa Facebook page ng Senado kahapon ng umaga pero hinala nila ay “prankster” lang ito dahil kung saan-saan ding page nag-post ang naturang account.

Pero para makasiguro ay nagpatupad agad ang Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) ng mahigpit na security protocols bilang bahagi ng kanilang SOP.

Facebook Comments