Senado, nagsagawa ng fire at earthquake drill ngayong umaga

Nagsagawa ng surprise fire at earthquake drill ang Senado ngayong umaga bilang paghahanda sakaling magkasunog o tumama ang malakas na lindol sa bansa.

Ang fire at earthquake drill ay sa gitna na rin ng sunod-sunod na malalakas na lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa pagtunog ng alarm kanina ay pansamantalang sinuspindi ang mga pagdinig na isinasagawa ngayon dito sa Senado at mabilis na nagsibabaan ng gusali ang mga empleyado at mga senador.

Nagsipuntahan sa parking area ang mga kawani at senador, at kanya-kanyang punta sa kanilang mga quadrant.

Kasabay ng pagdating ng fire truck ay pinalayo ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga empleyado sa gusali dahil sa posibleng pagbagsak o pagguho ng building kung magkaroon man ng malakas na lindol.

Nagsagawa rin ang BFP ng simulation ng rescue mission para sa pagliligtas sa mga mata-trap sa sunog o mga kailangang ilikas sa gumuhong gusali.

Matapos ang simulation ng rescue mission ay agad ding pinabalik ng gusali ang mga empleyado at mga senador bago mag-tanghali.

Facebook Comments